Mga opisyal ng Department of Agriculture iimbestigahan na ng Ombudsman dahil sa isyu ng sibuyas
Manghihimasok na ang Office of the Ombudsman sa usapin ng mataas na presyo ng sibuyas.
Ito ay matapos na sumipa ang presyo ng sibuyas ng hanggang pitong daang piso bawat kilo.
Partikular din na titignan ng ombudsman ang pagbili sa halagang 537 pesos kada kilo ng sibuyas ng Bonena Multi-purpose Cooperative.
Ayon kay Ombudsman Samuel Martirez, kabilang sa padadalhan ng sulat ay ang mga opisyal ng Food Terminal Incorporated o FTI maging ang mga opisyal ng Department of Agriculture o DA.
Sa Department of Agriculture nanggaling ang 140 million pesos na pondo habang ang FTI ang siyang bumili ng sibuyas sa Bonena Multi-purpose Cooperative.
Ayon kay Martirez pagpapaliwanagin ng ombudsman ang mga opisal ng DA at FTI kung bakit napakataas ang pagbili ng sibuyas mula sa kooperatiba.
Nakarating sa ombudsman na nagamit umano ang mga biniling sibuyas para sa kadiwa center noong holiday season.
Vic Somintac