Mga pag-atake, sususpendihin ng gobyerno at mga rebelde bago ang pormal na ceasefire
Nagkasundo ang gobyerno ng Colombia at ang leftist rebel army na itigil ang pag-atake sa isa’t-isa, bago ang isang ceasefire na nakatakdang magsimula sa susunod na buwan.
Ang anunsiyo ay ginawa ng National Liberation Army (ELN) sa pamamagitan ng kanilang Central Command. Ang ceasefire ay nakatakdang magsimula sa Agosto 3.
Sinabi ni Defense Minister Ivan Velasquez, na magpapalabas ang gobyerno ng isang kautusan na mag-aatas na ihinto ang opensiba ng army simula sa Huwebes.
Ayon sa mga awtoridad, ang ELN na itinatag noong 1964 ay mayroong higit sa 5,800 combatants noong 2022. Ito ang huling aktibong guerilla group ng Colombia.
Noong Hunyo 9, lumagda sa kasunduan ng anim na buwang tigil-putukan ang ELN at Colombian negotiators.
Kung mapananatili, ito na ang magiging pinakamahabang tigil-putukan na sinang-ayunan ng ELN, na naging bahagi rin ng nabigong mga negosasyon sa huling limang gobyerno ng Colombia.
Ang peace talks ay nakatakda namang muling magsimula sa Agosto 14 sa Venezuela.
Nito lamang nakalipas na linggo, anim na sundalo ng ELN ang napatay ng puwersa ng gobyerno sa eastern Colombia.
Si President Gustavo Petro, na isang dating gerilya at naupo sa kapangyarihan noong nakalipas na Agosto, ay nangako ng isang “total peace” policy.
Ang mas malaking Revolutionary Armed Forces of Colombia, o FARC, ay nagbaba ng armas sa isang makasaysayang kasunduang pangkapayapaan noong 2016.