Mga pag-uusap tungkol sa kontrata, pinalawig ng Hollywood actors bago ang deadline
Sumang-ayon ang unyon na kumakatawan sa 160,000 mga aktor at performer, na palawigin ang mga negosasyon sa kontrata sa mga studio sa Hollywood hanggang sa Hulyo 12, upang mapigilan ang potensiyal na welgang maaaring pumilay sa industriya.
Ang Screen Actors Guild (SAG-AFTRA) ay nakulong sa isang mahabang pakikipag-negosasyon sa mga katulad ng Netflix at Disney, ngunit nang malapit na ang midnight deadline ay inanunsyo ng magkabilang panig na patuloy silang mag-uusap.
Sa isang pahayag ay sinabi ng SAG-AFTRA na ang kasalukuyang kontrata ay pinalawig hanggang hatinggabi ng Hulyo 12, oras ng Los Angeles, at idinagdag na mananatiling may bisa ang media blackout sa mga negosasyon.
Naragdagan ang pangamba na ang mga aktor ay sumama sa mga manunulat sa picket line, isang “double strike” na hindi pa nangyayari sa loob ng higit sa 60 taon, na maaring magpahinto sa halos lahat ng mga produksyon ng pelikula at telebisyon sa US.
Ang mga miyembro ng SAG-AFTRA — mula sa A-listers hanggang sa mga extra — ay may paunang inaprubahang pang-industriyang hakbang kung ang mga negosyasyon ay walang mabubuong kasunduan.
Tulad ng mga manunulat, na siyam na linggo na sa picket lines, ang mga aktor ay humihingi ng mas mataas na sahod para labanan ang inflation, at mga garantiya para sa kanilang kabuhayan sa hinaharap.
Bilang karagdagan sa mga suweldo kapag sila ay aktibong nagtatrabaho, kumikita ang mga aktor ng mga bayad na tinatawag na “residuals” sa tuwing ang isang pelikula o palabas na kanilang pinagbidahan ay ipalalabas sa network o cable, na partikular na nakatutulong kapag ang performers ay nasa pagitan ng mga proyekto.
Ngunit ngayon, ang mga streamer tulad ng Netflix at Disney+ ay hindi nagbubunyag ng viewing figures para sa kanilang mga palabas, at nag-aalok ng parehong maliit na flat rate para sa lahat ng bagay sa kanilang mga platform, anuman ang katanyagan nito.
Sinabi ng 48-anyos na si Shon Lange, na lumabas na sa television shows gaya ng “NCIS: Los Angeles” at “The Terminal List,” na ang residuals ang kanilang ikinabubuhay sa pagitan ng mga proyekto.
Dagdag pa niya, “For those of us who aren’t as lucky to be going from project to project yet, residuals put food on the table, they help put my kid in school. So it’s very important.”
Kung ang welga ng mga manunulat ay kapansin-pansing nakapagpabawas sa bilang ng mga pelikula at palabas sa produksyon, ang pag-walkout ng mga aktor ay magsasara sa halos lahat.
Maaaring magpatuloy ang ilang reality TV, animation at talk show, ngunit kahit na ang mga high-profile events tulad ng Emmy Awards sa telebisyon, na nakatakda para sa Setyembre 18, ay nanganganib.
Ang mga sikat na serye na nakatakdang bumalik sa telebisyon ay maaantala, at ang mga blockbuster na pelikula ay maaaring ipagpaliban din.
Daan-daang mga high-profile actors kabilang ang mga nanalo ng Oscar na sina Meryl Streep at Jennifer Lawrence ang pumirma ng isang bukas na liham na iginiit na handa silang mag-strike, maliban kung ang SAG-AFTRA ay magkakaroon ng isang “transformative deal.”
Nakasaad sa liham na ang showbiz industry ay nasa “unprecedented inflection point.”
Nais din ng mga aktor ng mga garantiya na i-regulate ang paggamit ng artifial intelligence sa hinaharap.
Sinabi ng 52-anyos na aktres na si Kim Donovan, “We need to modernize the contracts for new technologies. I was worried about studios using the likeness or voice of an actor without offering compensation. A-list actors ‘have the bigger voices — we need their support.’ Most actors have to live from gig to gig.”