Mga pangunahing suspek sa rent tangay scam humarap na sa pagdinig ng DOJ
Itinuloy ng DOJ ang preliminary investigation sa car rental scam na tinaguriang rent- tangay at rent-sangla scam.
Sa ikalawang pagdinig, humarap na sa DOJ ang mga pangunahing suspek sa modus na sina Tychicus Nambio at Rafaela Anunciacion.
Ang grupo nila ay nahaharap sa patung-patong na kasong large scale estafa.
Pero kamakailan ay sinampahan sila ng NBI ng kasong carnapping bukod sa large scale estafa.
Nakapaghain si Anunciacion ng kanyang kontra-salaysay para sa ilang mga reklamo laban sa kanya.
Bigo naman si Nambio na makapagsumite ng kanyang counter-affidavit.
Itinakda ng DOJ panel ang susunod na pagdinig sa April 10 na deadline din ng paghahain ni Nambio at ng iba pang mga respondent ng kanilang kontra salaysay.
Ayon sa mga complainant, sila ay pinangakuan ng mga respondent ng buwanang kita na mula 25 thousand pesos hanggang 45 thousand pesos mula sa pagpapa-arkila ng kanilang sasakyan.
Pero kalaunan ay nabatid nila na isinangla o ibinenta na pala sa iba nang hindi nila nalalaman ang kanilang sasakyan.
Ulat ni : Moira Encina