Mga patakaran para mapalaya ang PDLs edad 80 anyos pataas, binubuo na ng DOJ
Isinasaayos na ng Department of Ju stice (DOJ) ang mga patakaran upang mapalaya ang mga bilanggo na edad 80 taong gulang pataas at ang mga may sakit at may kapansanan.
Naniniwala si Justice Secretary Crispin Remulla na kung nakulong na ng limang taon ang 80 anyos pataas na preso ay dapat na itong palayain para lalong ma-decongest ang mga piitan.
Sinabi ng kalihim na ginagawa na ng DOJ ang mga panuntunan para ito ay maipatupad sa nasabing persons deprived of liberty (PDLs) nang walang nilalabag na batas.
Isa pa sa mga reporma na iminungkahi ni Remulla sa corrections system ay ang paglatag ng mga mekanismo para masubaybayan ang kalagayan ng mga napalaya nang PDLs.
Ayon kay Remulla, nais nila na may feedback upang malaman kung saan napupunta ang PDLs matapos makalabas ng kulungan.
Aniya, hangad ng DOJ na matapos makalaya ay magkaroon pa ng skills training at edukasyon ang mga dating preso na gusto pang magtrabaho at mag-aral.
Moira Encina