Mga Pinoy, pinapaghahanda ng PAGASA sa El Niño

Photo courtesy of Department of Agriculture

Pinayuhan ng Philippine Atmospheric Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA) ang mga Pilipino na paghandaan ang posibleng mga epekto ng El Niño, na inaasahang mangyayari mula Marso hanggang Mayo ngayong taon.

Sinabi ni PAGASA Asst. Weather Service Chief Ana Liza Solis, na ayon sa prediksyon ng PAGASA, ay posibleng mas uminit pa ang temperatura sa panahon ng warm at dry season, na karaniwang nararanasan sa pagitan ng Marso hanggang Mayo.

Ayon kay Solis, na siya ring Climate Monitoring and Prediction Section Chief ng PAGASA, ang nabanggit na mga buwan ay malamang na maging isa sa pinakamainit na panahong maitatala dahil sa El Niño.

Ang mga temperatura ay maaaring lumampas ng 40 Degrees Celsius sa ilang bahagi ng bansa gaya ng Cagayan Valley Region, habang sa National Capital Region, ay mararanasan na sa Pebrero pa lamang ang isang meteorological dry spell o drought.

Dagdag pa ng opisyal, sa loob ng tatlo hanggang limang magkakasunod na buwan, ay humigit-kumulang 21% hanggang 60% ang posibleng mabawas sa tubig-ulan sa Metro Manila.

Aniya, bagama’t nagpapatupad ang ahensiya ng isang whole-of-nation at whole-of-government approach sa pagtugon sa mga epekto ng El Niño, ang publiko ay patuloy na hinihimok na sundin ang ilang mga hakbang gaya ng pagtitipid ng tubig at kuryente maging ang pangangalaga sa katawan bilang paghahanda para sa mas mainit na panahon.

Hinulaan din ng weather bureau ang mas mababa sa average na bilang ng mga tropical cyclone na maaaring mabuo o pumasok sa Philippine Area of Responsibility sa 13 hanggang 19 na bagyo.

Sinabi ni Solis, na dahil sa pag-iral ng El Niño sa una hanggang ikalawang quarter, humigit-kumulang dalawa hanggang limang bagyo lang, at pagdating ng Hulyo hanggang Disyembre, ang nakikitang taya ng bilang ng bagyo ay humigit-kumulang 11 hanggang 14.

Samantala, ang panahon ng tag-ulan ay inaasahan pa ring magsisimula sa second half ng Mayo hanggang sa first half ng Hunyo.

Paliwanag pa ni Solis, nakaramdam ang publiko ng tila mas mahabang panahon ng tag-ulan mula 2020 hanggang 2023 dahil sa isang weather phenomenon na tinatawag na “triple-dip” La Niña na nagresulta sa pagtaas ng dami ng bumabagsak na ulan sa panahon ng huling quarter ng mga nakalipas na taon.

PTV

Please follow and like us:

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *