Mga Pinoy sa New York hinihimok na magsuot ng face mask dahil sa tumataas na kaso ng COVID-19
Pinayuhan ng Consulate General of the Philippines sa New York ang mga Pilipino doon na magsuot ng face mask dahil sa tumataas na kaso ng COVID-19.
Hinimok din ng konsulado ang mga Pinoy sa New York City na limitahan ang mga pagtitipon, magpa-test, manatili sa bahay kung may sakit o na-expose, maghugas ng kamay, at magpabakuna laban sa Covid.
Ayon sa konsulado, hinihikayat ng NYC Department of Health and Mental Hygiene ang New Yorkers na magsuot ng high-quality mask sa indoor settings at sa matataong lugar sa labas bunsod ng dumaraming kaso ng Covid.
Maliban sa COVID-19, naobserbahan din ng mga otoridad ang hindi pangkaraniwang pagtaas ng kaso ng influenza at respiratory syncytial virus sa New York City ngayong holiday season.
Moira Encina