Mga Pinoy sa New York, pinag-iingat kasunod ng pambubugbog sa turista mula sa Cebu
Pinayuhan ng Philippine Consulate General sa New York ang mga Pinoy community doon na manatiling mapagmatyag matapos ang insidente ng pambubugbog sa turistang Pilipino mula sa Cebu.
Sa isang statement, pinag-iingat ng consulate ang mga Pilipino sa New York at maging ang mga Pinoy na bumibisita doon kung nasa labas o subways.
Sa impormasyong natanggap ng konsulado, naglalakad ang biktima kasama ang tatlong iba pang Pinoy malapit sa kanto ng 6th Avenue at 46th Street nang ito ay bugbugin ng suspek.
Nagtamo ng facial injuries ang Pinoy mula sa insidente.
Nadakip naman ang suspek ng mga otoridad.
Hindi pa batid kung ang pangyayari ay anti-Asian-hate-related.
Ito na ang ika-41 insidente mula noong nakaraang taon na kinasasangkutan ng Pinoy na biktima ng hate crime o ng iba pang kriminal na akto.
Moira Encina