Mga polisiya para sa investments sa energy sector, pinaplantsa na ng Marcos Gov’t
Nagpulong na ang legal cluster ng Administrasyong Marcos para plantsahin ang mga polisiya ng pamahalaan para sa mga investor sa sektor ng enerhiya.
Sinabi ni Energy Secretary Raphael Lotilla na nais ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na maisaayos ang mga panuntunan ng gobyerno para sa mga investment sa power sector.
Pinatitiyak aniya ng pangulo na malinaw at stable ang regulatory framework ng pamahalaan.
Kaugnay nito, nag-usap- usap na ang legal team ng Palasyo na kinabibilangan nina Justice Secretary Crispin Remulla, Solicitor General Menardo Guevarra at Chief Presidential Legal Counsel Juan Ponce Enrile kasama ang Department of Energy (DOE).
Sisiguraduhin aniya nila na plantsado ang investment climate at legal environment.
Kinumpirma naman ng DOJ at OSG ang pagpupulong.
Naniniwala ang gobyerno na mas makaaakit ng mga energy investor kung malinaw ang framework sa energy investment ng bansa.
Samantala, tutuon ang Marcos Government sa pag-explore at pag-harness ng indigenous sources ng enerhiya.
Ang mga halimbawa nito ay geothermal, solar at iba pang renewable sources.
Makatutulong aniya ito para makamit ang pagkakaroon ng mas murang kuryente at iba pang energy goals ng pamahalaan.
Noong 2021, mayorya ng pangunahing energy supply ng bansa o nasa 56% ay imported habang nasa 40% ang indigenous.
Moira Encina