Mga posibleng utak ng fake news peddlers sa social media, inaalam na ng NBI

0
Mga posibleng utak ng fake news peddlers sa social media, inaalam na ng NBI

NBI Director Jaime Santiago

Iniimbestigahan na rin ng National Bureau of Investigation (NBI) kung may mga utak sa likod ng mga nagpapakalat ng fake news sa social media.

Sinabi ni NBI Director Jaime Santiago, na ito ay dahil pare-pareho o iisa lang ang content o tema ng fake news peddlers na dumaragdag sa pagkalito ng publiko at kaguluhan sa pulitika.

Nilinaw ni Santiago na lahat ng isyu sa pagpapakalat ng fake news ay inaalam nila at hindi lang ang may kaugnayan sa pagkakaaresto kay dating Pangulong Rodrigo Duterte

Sinabi ni Santiago, “Tinitingnan namin bakit dumarami, bakit parang iisa ang tema nila, sumasakay sa kaguluhan ng poltical atmosphere hindi dapat mangyari, magugulo ang ating bayan, malilito ang mamamayan. Lahat-lahat na pati yung paninira nila sa government officials. Pinag-aaralan naming mabuti kung bakit ganun tema ng vloggers ngayon, meron ba sa kanilang namumuno, tinitingnan po namin yan lahat.”

Ayon kay Santiago, may listahan na ang NBI ng hindi bababa sa 20 vloggers na nagpapakalat ng pekeng balita.

Nakikipagtulungan na rin aniya ang NBI sa Department of Information and Communications Technology (DICT) at National Telecommunications Commission (NTC), para malabanan ang social media content creators na nagpapakalat ng maling impormasyon.

Kumbinsido naman si Justice Secretary Crispin Remulla na may mga tao o grupo na nagkukumpas sa fake news peddlers.

Ayon kay Remulla, “Oh yes I think you would also have the same guess as me.”

Dapat lang din aniyang maimbestigahan ang mga taong gumagamit ng internet para magsabi ng mga kasinungalingan at hindi maaaring ikatuwiran ang freedom of speech and expression.

Aniya, “Fake news can cause panic we want to be on the right side of the law, dapat walang ganon kasi it can unsettle peoples’ feelings and we dont want that to happen. Fake news is fake news, you all know it’s bad to peddle fake news or lies especially digital media has become a powerful tool.”

Inihayag naman ni Santiago na hahabulin din ng NBI ang mga mamamayang Pilipino na nasa ibang bansa na nagpapakalat ng hindi totoong balita sa tulong ng Interpol.


NBI Director Jaime Santiago

Aminado ang NBI chief na isa sa mga dilemma nila ay kapag ang vlogger na Pinoy ay mamamayan ng isang bansa, kung saan hindi krimen ang libel tulad ng US na civil case lang ito, kaya pinag-aaralan nila ang ibang mga kaso na puwedeng isampa sa mga ito.

Ani Santiago, “Tinitingnan namin lahat ng anggulo for example pwede silang pumasok sa inciting to sedition, krimen yan sa US, krimen dito sa atin.”

Samantala, nagtapos na ngayong araw ang ilang NBI agents na karamihan ay IT experts na ilalagay sa cybercrime at forensic division ng kawanihan, na makatutulong nang malaki para mapanagot ang cybercrime violators.

Ayon kay Santiago, “Ang krimen ngayon ay cybercrime na, yan ang bagong trend buong mundo hindi lang dito sa Pilipinas. Hindi sapat na makapanghuli, kami kailangan mapatunayan yung gadgets ng nahuli namin for example ginagamit sa espionage, yung mga gadget ano laman nun. So dito may karagdagan kaming ahente na IT experts, matutulungan lalo ang National Bureau of Investigation.”

Moira Encina-Cruz

Please follow and like us:

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *