Mga pribadong ospital, makatatanggap din ng Sinovac vaccine – Malakanyang
Tiniyak ng Malakanyang na makikinabang din ang mga pribadong ospital sa Sinovac anti-COVID-19 vaccine na donasyon ng China sa Pilipinas.
Sinabi ni Presidential Spokesman Secretary Harry Roque na kasama sa order of priority list ang mga private hospital sa mabibigyan ng donasyong bakuna.
Ayon kay Roque, inuuna lamang ang mga government COVID-19 Referral Hospital para mabakunahan ang kanilang mga medical frontliners upang magkaroon ng proteksyon laban sa Coronavirus.
Ginawa ni Roque ang pahayag matapos batikusin ng mga kritiko ng administrasyon ang napaulat na paghingi ng St. Lukes Medical Center ng 5 libong doses ng Sinovac anti-COVID-19 vaccine na gagamitin para sa kanilang mga Medical Frontliners.
Niliwanag ni Roque, basta may available na suplay ng bakuna lahat ng mga Medical Frontliners na nasa pampubliko at pribadong ospital ay kabilang sa first priority na mabibigyan ng anti-COVID-19 vaccine.
Vic Somintac