Mga pulis maaari nang magpabakuna sa kanilang Areas of Responsibility kasabay ng A4 priority group
Kasama ang mga police personnel sa A4 priority group na mababakunahan kontra Covid-19.
Sinabi ni Philippine National Police (PNP) Chief Police Gen. Guillermo Eleazar na pumayag na si Department of Interior and Local Government secretary Eduardo Año na magpabakuna na ang mga pulis kung aalukin ng lokal na pamahalaan na nakasasakop sa kanilang mga area of responsiblity.
Ito’y temporary arrangement lamang habang hinihintay ang mga bakunang nakalaan para sa PNP.
Aabot aniya sa 87.68 percent ang mga pulis na nais magpabakuna.
Kasabay nito, tiniyak ni Eleazar na walang mangyayaring pilitan at maasahang mas magiging matimbang sa mga pulis ang pagtulong upang maging matagumpay ang national vaccination program.
“For the past months kasi, pinagbawal namin sa aming kapulisan na magpaturok kung ikaw ay hindi kasama sa A1, A2 o A3. Tiwala naman tayo na lahat ay makatatanggap ng bakuna kaya walang dapat nag-aapura.” –Gen. Eleazar
Tiniyak naman ni Eleazar na sa sandaling dumating na ang mga bakuna para sa kanilang hanay ay siya ang unang sasalang sa pagbabakuna upang mahikayat ang nalalabi pang 12 percent ng mga pulis na magpabakuna na rin.
Sa kasalukuyan aniya, nasa 15,700 mula sa 220,000 mga pulis na kabilang sa A1, A2 at A3 priority group ang nabakunahan na kontra Covid-19.