Mga pulis na hindi pa bakunado, bibigyan ng ‘low risk’ tasks
Bibigyan ng ibang gampanin ang mga pulis na hindi pa bakunado, upang mabawasan ang panganib na sila ay mahawa ng coronavirus.
Ayon kay Phil. National Police (PNP) chief, Gen. Dionardo Carlos . . . “So gagawan namin ng paraan na they are still delivering their services but we will not allow them to be exposed. At the same time kasi kapag unvaccinated sila, ilagay namin sila sa QCP (quarantine control point) medyo delikado. So we will put them in a place probably take an (administrative) role or they can still do the job for us.”
Ayon kay Carlos, hindi nila maaaring payagang ma-excused sa trabaho ang mga hindi pa bakunado dahil magiging disadbentaha naman ito para sa gobyerno.
Aniya . . . “So, ganun yung aming sistema kasi lugi naman ho ang gobyerno ang taumbayan, kung it is their choice not to be vaccinated and yet they are not delivering services. Marami po kaming trabaho na maaari nilang gawin na hindi naman po sila ma-expose to danger, because they are unvaccinated.”
Ayon sa opisyal, isasama ito sa isang memorandum circular na ipalalabas sa mga susunod na araw kaugnay ng naturang bagay.
Dagdag pa nito, hindi makaaapekto sa promosyon ng isang police officer kung bakunado ito o hindi.
Ani Carlos . . . “Wala namang requirement sa promotion and schooling na hindi pwede kapag unvaccinated ka, so we will not do that. Vaccination is not anymore a matter of personal choice, but a matter of public interest for the common good. We do not want to put them at risk.”
Batay sa huling datos, 212,080 mga tauhan sa 93.98 percent ng police force ang ganap nang bakunado, habang 11,788 o 5.22 percent ang nakatanggap na ng first dose.
Samantala, may 1,808 personnel o 0.80 percent naman ang namamalaging hindi pa bakunado.
Gayunman, sinabi ni Carlos na patuloy nilang hinihimok ang mga hindi pa bakunado nilang mga tauhan na magpabakuna na, sa pamamagitan ng pagbibigay sa mga ito ng mga impormasyon tungkol sa mga benepisyo ng bakuna.
Sa kabilang dako, sinabi ni PNP Health Service director, Brig. Gen. Luisito Magnaye, na karamihan sa kanilang mga tauhan ay hindi pa nakapagpapabakuna dahil sa medical reasons.
Ayon kay Magnaye . . . “Out of that number, medical reasons are 299, 194 due to allergies, 393 were pregnant, 63 lactating mothers, 69 due to religious beliefs, nine were under quarantine. The rest have other reasons but they have yet to give it.”
Hanggang ngayong Lunes, ang bilang ng active cases ng Covid-19 sa PNP ay bumaba na sa 35, kung saan tatlo lamang ang naitalang naragdag na bago.
Isa itong kapansin-pansing pagbaba sa bilang ng aktibong kaso sa nakalipas na lampas 2 buwan, makaraang makapagtala ang PNP ng pinakamataas na 3,217 active cases noong September 17.
Nakapagtala rin ang pulisya ng siyam na bagong gumaling, kayat umakyat na 42,053 ang bilang ng mga gumaling mula sa kabuuang 42,213 confirmed cases, habang namamalagi namang 125 ang bilang ng namatay.