Mga pulis sa Haiti nagprotesta makaraang mapatay ang anim sa kanilang mga kasamahan
Nagmartsa ang civilian protesters at pulisya sa kapitolyo ng Haiti, sa Port-au-Prince upang magsagawa ng demonstrasyon kaugnay ng pagpaslang ng mga armadong gang sa mga pulis, sa gitna ng lumalalang karahasan sa bansa.
Ang mga kalsada ay hinarangan ng mga barikada, isang araw makaraang atakihin ng mga gang na kumokontrol sa malaking bahagi ng Haiti at regular na nandurukot ng mga tao para ipatubos, ang police headquarters sa Liancourt, isang bayan sa hilaga ng Haiti, at pumatay ng anim na pulis.
Tinangka ng mga protester na sugurin ang mga tanggapan ni Prime Minister Ariel Henry at tumakbo sa runway ng Toussaint Louverture International Airport, sanhi para maabala ang air traffic. Isinara rin ang mga paaralan.
Sinabi ni police commissioner Jean Bruce Myrtil, na noong Miyerkoles, dalawang pulis ang pinatay ng mga attacker, bago apat na iba pa ang kinaladkad sa labas ng istasyon ng pulis at saka pinatay.
Ayon naman sa National Union of Haitian Police Officers, 14 na mga pulis na ang napatay ng mga armadong gang simula nang mag-umpisa ang taon.
Ang Haiti, pinakamahirap na bansa sa Americas, ay nililigalig ng lumalalang krisis pang-ekonomiya at pang-pulitika, na na-trigger ng asasinasyon kay president Jovenel Moise noong July 2021.
Ayon sa latest report ni UN Secretary-General Antonio Guterres sa Haiti, “the police force remains overstretched, understaffed and under-resourced.”
© Agence France-Presse