Mga pulis sa Maynila nagbahagi ng kanilang mga suweldo para sa mga pasyente ng Covid-19
Maliban sa pagsisilbi bilang frontliners ngayong panahon ng Enhanced Community Quarantine, ipinakita rin ng mga pulis sa Maynila ang kanilang pakikipag-bayanihan sa pamamagitan ng pag-ambag ng bahagi mula sa kanilang suweldo para sa mga biktima ng Covid 19.
Pila-pila ang mga pulis sa kanilang headquarters sa Manila Police District para mag-donate ng parte ng kanilang suweldo.
Ayon kay Manila Police District (MPD) spokesperson Lt. Col. Carlo Manuel, boluntaryo ang donasyon at depende sa mga pulis kung magkano ang halaga na kanilang nais ibigay.
Ang makokolektang donasyon ay ituturn-over sa National Capital Region Police Office para sa proper distribution sa mga Covid-patients, lalo na ang mga nangangailangan.
Sa ngayon, tuloy pa rin aniya ang mahigpit na pagpapatupad ng mga checkpoints sa iba’t ibang lugar sa Maynila.
Kaya naman patuloy ang pakiusap ng MPD sa mga publiko na manatili na lamang sa bahay upang iwas-Covid-19.
Ulat ni Madz Moratillo