Mga pulis sa Peru na naka super hero costume, nanghuli ng drug dealers
Apat na Avengers ang sumugod sa isang mapanganib na lugar sa Lima, Peru nitong nakalipas na weekend kung saan ilang wanted na drug dealers ang inaresto nina Spider-Man, Captain America, Thor at Black Widow.
Ayon sa pulisya, ang apat na “superheroes” ay miyembro ng isang special Peruvian police squad na nagkukunwang nagpo-promote para sa isang concert.
Ang operasyon na tinawag na “Marvel” ay halaw sa comic book publisher ng The Avengers, kung saan apat na police officers na nakadamit superheroes, ang pumasok sa isang kalsada sa San Juan de Lurigancho neighborhood ng Lima.
Pagdating sa isang bahay, gamit ang special equipment ay sinira ni Spider-Man at ng kaniyang mga kasama ang bakal na pintuan, upang makapasok ang 10 backup police officers at saka nila inaresto ang tatlong lalaki at isang babae.
Sinabi ng mga pulis, na ang mga nakatira sa bahay na nagulat, ay unang inakalang isa lamang iyong biro o prank.
Sinabi ni police Colonel David Villanueva, “In this building an entire family was dedicating themselves to the micro-commercialization of drugs. The drugs were going to be sold in a park nearby.”
Nakakumpiska ang pulisya ng 3,250 maliliit na pakete ng basic cocaine paste, isang crude extract ng dahon ng coca leaf, at 287 bag ng cocaine at 127 bag ng marijuana.
Ang isang kilo ng cocaine paste ay nagkakahalaga ng halos $380 sa Peru, habang ang isang kilo ng cocaine hydrochloride, na siyang purest form nito, ay nagkakahalaga ng nasa $1,000.
© Agence France-Presse