Mga Regional Trial Courts pinayagan ng Korte Suprema na magpalabas ng Precautionary Hold Departure Order o PHDO laban sa mga suspek sa krimen
Pinayagan ng Korte Suprema ang mga regional trial court na mag-isyu ng Precautionary Hold Departure Order o PHDO laban sa mga suspek sa krimen.
Ito ay matapos na magpalabas at aprubahan ng Supreme Court ang Rule on PHDO na isang kautusan na nag-aatas sa Bureau of Immigration na pagbawalang makaalis ng bansa ang isang taong hinihinalang nakagawa ng krimen.
Ang pag-iisyu ng PHDO ay para sa mga krimen na may katapat na parusa na hindi bababa sa anim na taon at isang araw.
Magkakabisa ang panuntunang ito ng Supreme Court sa loob ng 15 araw pagkatapos na mailathala ito sa dalawang pahayagan na may national circulation.
Ayon sa Korte Suprema, ang PHDO ay hihilingin sa paraang “ex parte” na ibig sabihin ay hindi na kailangan pang hingin ng korte ang panig ng respondent o kabilang partido sa kaso.
Ang aplikasyon para sa PHDO ay maaring ihain ng piskal sa alinmang regional trial court na may hurisdiksyon sa lugar kung saan naganap ang krimen.
Kung may matinding pangangailangan ay maari itong ihain sa alinmang RTC sa rehiyon na pinangyarihan ng krimen.
Binigyang kapangyarihan din ng Supreme Court ang mga RTCs sa Maynila, Quezon City, Cebu City, Iloilo City, Davao City at Cagayan de Oro City na aksyunan ang mga aplikasyon sa PHDO na inihain ng prosecutor na batay sa reklamong inihain ng NBI kahit pa saan naganap ang krimen.
Mananatiling valid ang PHDO hanggang hindi ito binabawi ng korte, pero maari ring kwestiyunin ng respondent ang kautusan at hilingin ang pagbawi nito.
Sa pagiisyu ng PHDO, dedeterminahin ng hukom kung may probable cause ang petisyon sa pamamagitan ng personal na pag-eksamen sa mga testigo at kung may malaki bang posibilidad na ang respondent ay umalis ng bansa para makaiwas sa posibleng pag-aresto at sa pag-usig ng krimen.
Sinabi pa ng Korte Suprema na ang pagpapalabas ng PHDO ay hindi dapat makaapekto sa kahihinatnan ng preliminary investigation.
Ulat ni Moira Encina