Mga residente ng Maynila, malaya pa ring pumili ng brand ng Covid-19 vaccine
Tiniyak ni Manila Mayor Isko Moreno na malaya pa rin ang mga residente sa lungsod na mamili sa brand ng COVID-19 vaccine na nais nilang maiturok sa kanila.
Pero kahit hindi na iaanunyso ng Lokal na Pamahalaan ang brand ng bakuna na kanilang idedeploy sa mga vaccination site, maaari naman aniyang magtanong ang publiko sa mga Health worker sa site kung anong brand ng bakuna ang available roon.
Kahit naman boluntaryo at hindi sapilitan ang pagpapabakuna kontra COVID 19, patuloy ang apila ng alkalde sa publiko na magpabakuna na.
Umaasa ang alkalde na sa Setyembre ay matatamo na nila ang Herd immunity kaya naman mas lalo pa nilang pinaiigting ang kanilang vaccination drive.
Ngayong araw, nagpapatuloy ang second dose vaccination gamit ang bakuna ng Astrazeneca para sa A1 hanggang A3 priority group na nakatanggap ng unang dose ng bakuna noong March 26.
Ang aktibidad ay ginagawa sa Ospital ng Maynila Medical Center.
Maliban rito, may isinasagawa ring vaccination para sa mga residente sa lungsod na bed ridden.
Madz Moratillo