Mga responsable sa paglubog ng MT Princess Empress mahaharap sa iba pang kaso – DOJ
Mahaharap pa sa mas mabigat na kaso at parusa ang mga indibidwal na responsable sa nangyaring paglubog ng MT Princess Empress na nagresulta sa malawakang oil spill sa karagatan ng Oriental Mindoro.
Bukod pa ito sa nauna nang kaso perjury, falsification of public or official documents at iba pa na isinampa ng National Bureau of Investigation (NBI) sa Department of Justice (DOJ)
Respondents sa inihaing reklamo ang mga opisyal ng RDC Reield Marine Services na may-ari ng tanker, mga tauhan ng Philippine Coast Guard (PCG) at ilang opisyal ng Maritime Industry Authority (MARINA) Region V.
Sinabi ni DOJ Spokesperson Assistant Secretary Mico Clavano na nagpapatuloy pa ang case build-up sa isyu, partikular ang environmental offenses na isasampa laban sa mga respondents.
Bukod sa mga nasabing reklamo, maaari rin aniyang sampahan ng mga reklamong katiwalian ang mga tauhan ng gobyerno na nagkaroon ng pagkukulang.
Aniya, mas mabigat ang parusa sa mga nasabing reklamo.
Nilinaw naman ni Clavano na natagalan ang paghahain ng reklamo dahil hinayaan muna na maasikaso ang clean up sa tumagas na langis mula sa tanker.
Sinabi pa ni DOJ Undersecretary Raul Vasquez na hindi pa off the hook o hindi pa lusot sa mga reklamo ang sinuman gaya ng iba pang mas matataas na opisyal ng MARINA.
Lumalabas sa imbestigasyon ng NBI na pineke ng MT Princess Empress ang ilang dokumento gaya ng certificate of public convenience (CPC) at nakapaglayag ang barko ng 18 beses mula noong Disyembre kahit wala ito ng nasabing sertipikasyon.
Moira Encina