Mga Senador duda na gustong ihabol ang Charter Change sa 2025 Midterm Elections
Minamadali umano ng mga Kongresista ang People’s Initiative para maihabol sa 2025 Midterm elections.
Yan ang duda ni Senador Jinggoy Estrada kaya ipinipilit ng Kamara na isulong ang Economic Chacha sa pamamagitan ng People’s Initiative.
Tanong ni Estrada, bakit nagmamadali at tila may hinahabol na deadline ang mga nasa likod ng People’s Initiative na pati ang taumbayan ay niloko at pinapirma kapalit umano ng ayuda.
Hinala pa ng Senador , maaaring may tinanggap na suhol ang mga Kongresista para mangalap ng pirma gaya ng dagdag na pondo pambigay na ayuda sa constituents para i-angat pa ang karera sa pulitika.
Sinabi naman ni Senador Pia Cayetano, nakakapagduda talaga paano agad naunawaan ng libo libong Pilipino na lumagda SA detalye ng People’s Initiative Petition na aniya’y nakasulat pa sa wikang Ingles.
Kung siya nga raw na isang abogado nangangailangan ng mahabang oras at panahon para maunawaan ang detalye ng Charter change.
Meanne Corvera