Mga Senador, hindi pabor sa mandatory booster shot
Tutol ang mga Senador na gawing mandatory ang booster shot sa general population.
Ito’y kahit pa inirekomenda ng infectious disease expert na si Dr. Rontgene Solante na obligahin ang general population na magpabooster shot.
Sa halip sinabi ni Senador Bong Go na paigtingin ang Public Health Education para kumbinsihin ang publiko na magpabakuna.
Ayon sa Senador dapat igalang ang karapatan ng bawat Pilipino na pumili kung magpabakuna o hindi.
Bukod sa sapat na supply, ‘awareness and access’ sa mga bakunang ito ang kailangan at dalhin ang tamang impormasyon at mismong bakuna sa mga kabahayan lalo na sa mga liblib na lugar.
Gayunman, dapat rin aniyang ibigay sa kanila ang tamang impormasyon hinggil sa bakuna para makapagdesisyon ng tama para sa kanilang kaligtasan laban sa virus at sa kanilang komunidad.
Mungkahi naman ni Senator Nancy Binay maging agresibo ang gobyerno sa pagbabakuna sa mga nasa priority groups, paigtingin pa lalo ang pagbabakuna sa mga isolated at mga remote areas.
Irerekomenda niya rin na magpatawag ng pagdinig ang Committee of the Whole ng Senado para alamin ang naging aksyon laban sa COVID- 19, level ng preparedness sakaling muling magkaroon ng mataas na kaso at ano ang exit plan ng Department of Health.
Para kay Senador Jinggoy Estrada wala ng dapat ikatakot ang publiko dahil napatunayan nang ligtas ang COVID vaccine.
Apila niya sa taumbayan magpabakuna na para tuluyang makabangon ang bansa sa pandemya .
Meanne Corvera