Mga Senador naghain ng resolusyon para ipatigil ang pag-ban ng solo driver sa Edsa
Ipinatitigil ng mga Senador ang tuluyang pagbabawal sa mga single passenger vehicle sa kahabaan ng Edsa kapag rush hour.
Kasabay ng pagsisimula ng dry run ng pagban ng solo driver sa Edsa, naghain na ng Senate Resolution 845 ang mga lider ng Senado para ipa-recall at ipasuspinde ng naturang patakaran.
Ang resolusyon pirmado nina Senate President Vicente Sotto, Pro-Tempore Ralph Recto, Majority leader Juan Miguel Zubiri at Minority leader Franklin Drilon.
Iginiit ng mga Senador na dapat nagsagawa muna ng Public consultations at masusing pag-aaral ang Metro Manila council at MMDA bago ipatupad ang Driver only ban sa Edsa.
Senador Sotto:
“Ang tingin namin yun ay isa sa mga hindi magandang idea para maresolve ang traffic, bago sila makapag-isip kung ano-ano pang pamamaraan para ma-resolve ang traffic alisin muna nila ang illegally parked sa metro manila yun ang problema”.
Labag aniya ang patakaran sa karapatan ng 70% ng mga motorista.
Inupakan naman ni Senador Ralph Recto ang MMDA dahil sa pagpapatupad ng programa gayong walang inilatag na alternatibong ruta para sa mga maapektuhang motorista.
Ayon kay Recto, matutulad lamang ito sa tubig baha na kung barado na ang lagusan hahanap lang ang mga motorista ng ibang malulusutan .
Isa itong katunayan na inilipat lang sa ibang kalsada ang matinding porblema sa edsa.
Senador Recto:
“Kung kulang ang premium buses sa gilid ng Edsa at walang MRT sa gitna ano ang alternatibo? Cars like water will seek their own way out, inilipat lang ang problema sa edsa sa ibang kalsada”.
Para naman kay Senador Sonny Angara, hindi band -aid gaya ng pag-ban sa mga sasakyan kundi long term solution ang kailangan sa nararansang krisis sa trapiko sa Edsa.
Senador Angara:
“Effective solutions should be long-term. The only way we can give Filipinos freedom from traffic is by improving our public transportation. Hangga’t walang magandang sistema ng mass transit, dadami at dadami ang sasakyan”.
Iginiit ni Angara na napipilitang bumili ng sasakyan ang mga Filipino dahil walang maayos at walang magandang sistema ng mass transit lalo na sa Metro Manila.
Apila naman ni Senador Grace Poe, huwag gawing sabay-sabay ng pagban ng mga sasakyan sa kahabaan ng Edsa.
Dapat aniyang tignan muna ng ahensya ang resulta ng ginawa nitong pagbabawal sa mga provincial bus na pumasok sa edsa kapag rush hour bago ipagbawal ang single passenger vehicle.
Senador Poe:
“They should have considered the composition of the 70 percent of EDSA motorists to be affected—they are probably the working solo parents, parents who have to drop their kids along their way to work, spouses who live in the same city but work in different cities, young professionals or workers who cannot afford to hire their own drivers and yet are required to be on time in their offices”.
Nangangamba si Poe dahil maaari aniyang maapektuhan ng sistema ang mga solo parents na posibleng naghatid muna ng anak sa eskwelahan bago pumasok sa trabaho, mag-asawa na magkahiwalay ng trabaho at mga kabataang empleado na wala namang kakayahang kumuha ng mga personal drivers.
Hindi naman kasi aniya maaring asahan ng mga maapektuhang motorista ang serbisyo ng MRT na madalas siksikan at pumapalpak.
Ulat ni Meanne Corvera
Please follow and like us: