Mga sira-sirang salaping papel, maaari pang papalitan sa BSP
Pinaalalahanan ng Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) ang lahat ng mga otorisadong bangko na tanggapin ang mga sira-sirang salaping papel o mutilated banknotes.
Ang mga ito ay gaya ng may mga pandikit o staple wires, may punit, butas o nawawalang bahagi, may splitting o paghihiwalay ng harap at likod na parte, at nasunog o nabulok.
Ayon sa abiso ng BSP, ang mga nasabing salapi ay puwedeng isumite saanmang bangko para naman maipasa sa central bank na magpapasya ng halaga nito.
Sinabi ng BSP na maaaring pang papalitan ang mga sira-sirang salaping papel kung makatugon ito sa ilang kondisyon.
Una ay ang nalalabing surface area ay hindi bababa sa 3/5 ng orihinal na sukat ng salapi.
Ikalawa ay may natitira pang parte ng pirma ng pangulo ng Pilipinas o gobernador ng BSP.
Ikatlo ay nanatili pa ang Embedded Security Thread (EST) o Windowed Security Thread (WST) maliban kung ito ay nasira o nawala bunsod ng sunog, kemikal, pagkabasa, anay, daga o katulad na peste.
Hindi naman papalitan ng central bank ang salapi kung sinadya na alisin ang EST o WST
Hinikayat naman ng BSP ang publiko na panatilihin ang integridad ng salapi ng Pilipinas.
Moira Encina