Mga sirang washing machine at dryer, ni-recycle bilang hand washing facility ng isang paaralan sa Angat, Bulacan
Bunsod na rin ng COVID-19 pandemic, nauso ang hand washing facility sa mga establisyemento bilang pagsunod sa minimum health standard protocol na ipinatutupad ng pamahalaan.
Tulad na lamang sa mga eskwelahan, tinitiyak ng Department of Education ( DepEd ) na dapat ay natutupad ang sanitation protocol.
Nguni’t dahil sa may kamahalan, imbes na bumili ay nakakuha ng idea sa social media si Mr. Edwin Dela Cruz, principal ng Dr.Antonio C. Villarama Elementary School sa Marungko, Angat, Bulacan ukol sa sira o patapon nang washing machine na maaring i-convert na maging lavatory.
Kaya naman nanawagan ang Punong-guro sa mgaguro at mga magulang kung sino-sino ang mayroong patapon nang washing machine. Agad namang tumugon ang ilang magulang at ang isa ay sakto namang gumagawa ng sirang washing machine.
Nagbigay sila ng 2 sirang washing machine at ang isang parent naman ay nagbigay ng sirang dryer na akma naman sa mga Kindergarten student.
Ang ibang parte ng converted hand washing na ito tulad ng lababo at gripo ay binili na nila upang mas komportable itong gamitin. Ilan naman sa mga lumang washing machine ay nakatakdang pinturahan upang maging presentable at ready to use na sakaling magbalik-eskwela na ang ilang mag-aaral.
Samantala, ang mga magulang pa lamang na kumukuha ng modules para sa kanilang mga anak ang sinubukang gamitin ang mga converted hand washing facility na ito.
Patuloy ding ipinatutupad sa nasabing paaralan ang health & safety protocols bilang pag-iingat laban sa COVID-19 tulad na lamang ng temperature checking, social distancing, wastong pagsusuot ng facemask, faceshield at pag-fill out sa contact tracing.
Betheliza Paguntalan