Mga supermarket na may imported processed pork products mula sa mga bansang apektado ng African swine fever, kukumpiskahin na ng pamahalaan
Itinigil na ng Food and Drug Administration o FDA ang pag iisyu ng Certification of Product Registration o CPR sa mga pork processed products na galing sa mga bansang apektado ng African swine fever.
Sa economic briefing sa Malakanyang sinabi ni Agriculture Undersecretary Ariel Cayanan na nakipag koordinasyon na sila kay FDA Director General Undersecretary Enrique Domingo hinggil sa isyu ng mga imported processed pork products mula sa mga bansang apektado ng African swine fever.
Dahil dito hinihikayat ngayon ng FDA at Department of Agriculture o DA ang mga tindahan, supermarkets at iba pang mga stalls na nagbibenta ng mga impprted processed pork products na magkusa nang tanggalin sa kanilang eskaparate ang mga nasabing produkto.
Pinayuhan ni Cayanan ang mga mamimili na icheck kung kailan ginawa ang produkto.
Batay sa abiso ng FDA Agosto noong nakalipas na taon pa naglabas ng notice na dapat ay hindi na nakapasok sa bansa ang mga processed pork products mula sa mga bansang apektado ng African swine fever.
Ilan sa mga produktong ipinagbabawal munang bilhin ng publiko ay meatloaf, sausage, ham, at iba pang katulad na produkto.
Niliwanag ni Cayanan na prayoridad ng Department of Agriculture na huwag makapasok sa bansa ang African swine fever para hindi mapinsala ang livestock industry sa bansa partikular ang mga lokal na magbababoy.
Kabilang sa mga bansang nasa hotlist ay ang Russia, hungary, Ukraine, South Africa, Czech Republic, Moldova, Zambia, Poland, china, kasama ang hongkong at macau, Bulgaria, hungary, Belgium, Latvia, Vietnam, Mongolia at Cambodia.
Ulat ni Vic Somintac