Mga suspek na nahulihan ng P120M na halaga ng shabu at mataas na kalibre ng mga baril sa Tondo, kinasuhan na ng NBI sa DOJ
Sinampahan na ng reklamong kriminal sa DOJ ng NBI ang dalawang suspek na nahulihan ng shabu na nagkakahalaga ng 120 million pesos at matataas na kalibre ng mga baril sa Tondo, Maynila noong April 1.
Sumalang sa inquest proceedings sa DOJ ang mga suspek na sina Edris Bolug Macalabo at Arvin Belleza Zapanta at sila ay ipinagharap ng reklamong paglabag sa Section 5 at 11 ng Comprehensive Dangerous Drugs Act o trading at possession of dangerous drugs, at illegal possession of firearms sa ilalim ng Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act.
Bago kasuhan sa DOJ ay Iprinisinta ng NBI sa media ang mga suspek at ang mga nasabat sa kanila na 24 na plastic bag ng shabu na umaabot sa halos 20 kilo at 25 mataas na kalibre ng mga baril at bala.
Kabilang sa mga ito ay sampung .45 caliber pistols, sampung .38 caliber revolvers, limang 9mm submachine guns, sampung 9mm magazine clips, labing-siyam na .45 caliber magazines, apat na suppressors for 9mm, at tatlumpung 9mm live ammunition.
Inaalam pa ng NBI kung may kaugnayan sa terorismo ang mga droga at armas na nakumpiska at kung anong grupo kabilang ang dalawa.
Sinabi ng NBI na dadalhin sana sa Mindanao ang shabu at mga armas.
Inaresto ng NBI ang dalawang suspeks kasunod ng intelligence information na isang drug syndicate na pinamumunuan ng isang Kim alyas Boy Muslim ang magdadala ng ilang kilo ng shabu at mga armas mula Maynila papuntang Mindanao.
Ulat ni: Moira Encina