Mga tauhan ng gobyerno tatanggap ng mid-year bonus simula ngayong araw
Simula ngayong Lunes, May 15, ay tatanggap ng mid-year bonus ang mga kwalipikadong empleyado ng gobyerno.
Sa statement, sinabi ng Department of Budget and Management na katumbas ng isang-buwang sweldo ang tatanggaping mid-year bonus.
Kabilang sa mga kwalipikadong tauhan ng gobyerno ang mga nagsilbi ng hindi bababa o kabuuang apat-na-buwang serbisyo mula July 1, 2022 hanggang May 15, 2023.
Kailangan ding nasa government service ang empleyado hanggang May 15, at nakapagtamo ng satisfactory performance rating sa sinundang rating period o aplikableng performance appraisal period.
Sinabi naman ni Budget Secretary Amenah Pangandaman na ang mid-year bonus ay itinatadhana sa agency-specific allocation sa ilalim ng 2023 General Appropriations Act (GAA).
“Alam naman po natin na isa ito sa mga inaabangan ng ating mga kapwa kawani ng gobyerno na talagang makakatulong sa kanilang araw-araw na pangangailangan,” pahayag pa ni Sec. Pangandaman.
Ipagkakaloob ang mid-year bonus sa lahat ng posisyon para sa civilian personnel kahit pa sila ay regular, casual, o contractual, appointive o elective, fulltime o part-time, na naitatag sa Executive, Legislative, at Judicial branches, Constitutional Commissions at iba pang Constitutional Offices, State Universities and Colleges (SUCs), at Government Owned- or –Controlled Corporations (GOCCs) na sakop ng Compensation and Position Classification System (CPCS), at sa local government units (LGUs).
Kabilang din sa tatanggap ng mid-year bonus ang military personnel ng Armed Forces of the Philippines (AFP) sa ilalim ng Department of National Defense (DND) at unipormadong tauhan ng Philippine National Police (PNP), Philippine Public Safety College (PPSC), Bureau of Fire Protection (BFP), at Bureau of Jail Management ang Penology (BJMP) na nasa pangangasiwa ng Department of Interior and Local Government (DILG), Bureau of Corrections (BuCor) ng Department of Justice (DOJ), Philippine Coast Guard (PCG) ng Department of Transportation (DOTr), at National Mapping and Resource Information Authoriy (NAMRIA) ng Department of Environment and Natural Resources (DENR).
Ayon sa DBM, ang mid-year bonuses naman ng mga tauhan na sakop ng GOCCs ay dedeterminahin ng kani-kanilang governing boards.
Samantala, ang mga tauhan naman sa mga lalawigan, lungsod, munisipalidad, at barangay ay tutukuyin ng kani-kanilang Sanggunian.
Weng dela Fuente