Mga tauhan ng Immigration na dawit sa Pastillas scheme, papatawan ng DOJ ng Administrative disciplinary action
Tiniyak ng Department of Justice (DOJ) na papatawan nito ng disiplina ang mga opisyal at kawani ng Bureau of Immigration na mapapatunayang sangkot sa Pastillas scheme.
Sinabi ni Justice Secretary Menardo Guevarra na sa oras na makumpleto ng NBI ang imbestigasyon sa isyu ay magsasagawa sila ng administrative disciplinary action laban sa mga dawit sa modus.
Ayon sa kalihim, noong Pebrero pa lamang ay nagpatupad na ng balasahan ang BI sa mga tauhan sa paliparan bunsod ng nabunyag na Pastillas scheme.
Una nang naghain nitong buwan ang NBI ng mga reklamo sa Office of the Ombudsman laban sa 19 na Immigration officials at personnel na sangkot sa isyu.
Ayon sa NBI, nagkuntsabahan ang mga nasabing tauhan sa Pastillas scheme para humingi at tumanggap ng mga salapi, regalo at iba pang benepisyo at mula sa mga dayuhan kapalit ng pagpapasok sa mga ito sa bansa kahit wala ang mga kinakailangang dokumento .
Moira Encina