Mga telcos, muling inatasan ng NTC na babalaan ang mga subscribers laban sa mga text scams
Dahil sa patuloy na pamamayagpag ng mga text scam na nag-aalok ng trabaho, muling ipinag-utos ng National Telecommunications Commission (NTC) ang paglalabas ng babala laban rito.
Partikular na inatasan ng NTC ang mga telecommunication companies sa bansa gaya ng Dito Telecommunity, Globe Telecom at Smart Communications.
Sa kautusan ni NTC Commissioner Gamaliel Cordoba, nakasaad na simula Hunyo 11 hanggang 17 ay dapat magsagawa sila ng
text blasts sa mga subscriber na nagpapaalala na huwag maniwala sa mga nag-aalok ng trabaho na may pangako na malaking sweldo.
“Huwag pong maniwala sa text na nag-aalok ng trabaho na may pangako na malaking sweldo. Ito po ay isang scam,” mensahe ng NTC.
Pinabibilisan din ng NTC sa mga telcos ang proseso ng pag-block ng SIM cards na ginagamit sa mga iligal na aktibidad.
Naglabas din ng hiwalay na memo si Cordoba para kung saan inaatasan ang kanilang regional offices, na muling balaan ang publiko laban sa mga nasabibg text scams sa pamamagitan ng radyo at telebisyon sa kani-kanilang lugar.
Mahigpit rin ang bilin ng NTC sa kanilang mga opisyal para sa pagpapaigting pa ng public information campaigns.
Noong nakaraang buwan, una nang naglabas ng direktiba ang NTC laban sa mga nasabing scam.
Madelyn Moratillo