Mga unibersidad sa Afghanistan muli nang nagbukas, ngunit mga babae pinagbabawalan pa ring mag-aral
Nagsipagbalikan na ang mga estudyanteng lalaki sa kanilang mga klase ngayong Lunes, makaraang muling magbukas ang mga unibersidad sa Afghanistan matapos ang winter break ngunit binabawalan pa rin ng Taliban authorities ang mga babae na mag-aral.
Ang university ban ay isa sa ilang pagbabawal na ipinataw sa mga babae simula nang magbalik sa kapangyarihan ang Taliban noong August 2021, na nagdulot ng pangmundong galit kabilang na ang mula sa Muslim world.
Sinabi ng 22-anyos na si Rahela mula sa central province ng Ghor, “It’s heartbreaking to see boys going to the university while we have to stay at home. This is gender discrimination against girls because Islam allows us to pursue higher education. Nobody should stop us from learning.”
Ipinataw ng gobyerno ng Taliban ang pagbabawal matapos akusahan ang mga babaeng estudyante, nang pagbalewala sa isang mahigpit na dress code at ang requirement na dapat ay may kasama silang lalaking kamag-anak patungo at mula sa campus.
Karamihan sa mga unibersidad ay nag-introduce na ng gender-segregated entrances at classrooms, maging ng pagpapahintulot sa mga babae na maturuan ng mga babaeng propesor lamang o nakatatandang mga lalaki.
Ayon kay Mohammad Haseeb Habibzadah, isang mag-aaral ng computer science sa Herat university, “It’s painful to see that thousands of girls are deprived of education today. We are trying to address this issue by talking to lecturers and other students so that there can be a way where boys and girls could study and progress together.”
Sinabi naman ni Ejatullah Nejati, isang engineering student sa Kabul University, na siyang pinakamalaki sa Afghanistan, “It was a fundamental right of women to study. Even if they attend classes on separate days, it’s not a problem. They have a right to education and that right should be given to them.”
Ilang opisyal ng Taliban ang nagsabi na ang pagbabawal sa edukasyon ng mga babae ay pansamantala lamang, ngunit sa kabila ng mga pangako, nabigo silang muling buksan ang mga sekondaryang paaralan para sa mga batang babae, na higit sa isang taon nang sarado.
Naglabas sila ng litanya ng mga dahilan para sa pagsasara, mula sa kakulangan ng pondo hanggang sa oras na kailangan upang baguhin ang syllabus sa mga linya ng Islam.
Subalit ang totoo ayon sa ilang opisyal ng Taliban, ay labis na nag-aalinlangan sa modernong edukasyon para sa mga babae, ang mga “ultra-conservative clerics” na nagpapayo sa supreme leader ng Afghanistan na si Hibatullah Akhundzada.
Inalis ng mga awtoridad ng Taliban ang mga babae sa pampublikong buhay mula nang mabawi nila ang kapangyarihan, kung saan ang mga babae ay tinanggal sa maraming trabaho sa gobyerno o binayaran ng bahagi ng dati nilang suweldo upang manatili sa bahay.
Binawalan din sila na magtungo sa mga parke, fairs, gyms at public baths, at kailangan ay nakatakip kapag nasa labas.
Kinondena naman ng rights groups ang nasabing mga pagbabawal na tinawag ng United Nations na “gender-based apartheid”.
Ginawang “sticking point” ng international community ang karapatan sa edukasyon para sa mga babae sa kanilang pakikipagnegosasyon tungkol sa ayuda at para kilalanin ang Taliban government.
Sa ngayon ay wala pang bansang opisyal na kumikilala sa Taliban bilang lehitimong lider ng Afghanistan.
© Agence France-Presse