MIAA tiniyak ang maayos na customer experience sa airport ngayong mahabang bakasyon
Tiniyak ng Manila International Airport Authority (MIAA) na magkakaroon ng maayos na customer experience ang mga bibiyahe ngayong mahabang bakasyon.
Sa panayam ng TV/Radio program na Ano sa Palagay Nyo (ASPN) ng NET25 at Radyo Agila, sinabi ni Brian Co, Senior Assistant General Manager ng MIAA, na nagkaroon na sila ng pakikipag-ugnayan sa lahat ng stakeholders para sa mas maayos na serbisyo.
Kabilang na dito ang pagdaragdag sa manpower ng airlines, ground handlers at maging sa mga ahensya ng gobyerno kabilang ang Bureau of Immigration at Office for Transportation Security (OTS) at Bureau of Customs (BOC).
“Before the actual long weekend set in, may plans na po, same nung peak season last December… we make sure that the manpower and equipment they provide sa airport is sufficient,” dagdag pa ni Co.
Maging ang mga kasangkapan sa airport ay tiniyak din ng MIAA na nasa maayos na lagay.
Kabilang na dito ang air conditioning, airport equipment at maging ang pasilidad gaya ng rest rooms.
Sinisikap din ng MIAA na maiwasan ang delay sa mga flight upang hindi maipon ang mga pasahero sa airport.
Sabi ni Co “priority po yan ng gobyerno at ng Department of Transportation (DOTr) para matiyak na maganda ang customer experience.”
Nitong Martes, Abril 4, nag-kick off activity ang MIAA kasama ang OTS at magingang Philippine National Police (PNP) para tiyakin ang seguridad sa paligid ng lahat ng airport terminals para sa long weekend.
Weng dela Fuente