Michael Cataroja ipinakita sa mga senador kung paano siya tumakas mula sa Bilibid

Nagsagawa ng re-enactment sa harap ng mga senador ang PDL na si Michael Cataroja kung papaano siya nakatakas mula sa maximum security camp ng New Bilibid Prison sa pamamagitan ng pagsabit sa ilalim ng truck ng basura.

Ayon kay Cataroja, kasama siya sa mga tumulong sa pagbuhat ng mga basura nang araw na siya ay tumakas noong July 7.

May dumaan aniya na L300 van sa may tapat ng truck na sinabayan niya para siya ay pumunta at gumapang sa ilalim ng garbage truck.

Sa chassis naman aniya ng truck siya humiga sa buong panahon ng biyahe hanggang siya ay bumaba sa bahagi ng C6.

Sinabi ni Cataroja sa Senate hearing na isang linggo niya na pinag-aralan kung paano siya tumakas.

Tumakas aniya siya dahil siya ay nainip sa loob ng piitan at walang dumadalaw.

Aabot ng dalawang linggo bago mailabas ng binuong board of inquiry ng Bureau of Corrections ang inisyal na imbestigasyon nito sa insidente.

Kumbinsido naman si BuCor Director General Gregorio Catapang Jr. na nakatakas talaga si Cataroja sa pamamagitan ng pagsabit sa truck.

Pamilyar aniya ang PDL sa parte ng sasakyan dahil dating pahinante ng garbage truck si Cataroja.

Parte ng imbestigasyon aniya ng BOI ay kung papaano hindi nakita ng mga BuCor personnel na nagsiyasat sa ilalim ng truck gamit ang mga salamin.

Sa re-enactment kasi ay kita na nasa ilalim ng truck si Cataroja nang siyasatin ng BuCor personnel ang ilalim ng sasakyan gamit ang mga vehicle inspection mirrors.

Nirerebyu na rin aniya ng BOI ang CCTV nang araw ng tumakas ang inmate.

Sinabi ni Senate Committee on Justice and Human Rights Committee Chair Senador Francis Tolentino na marami pang katanungan sa isyu bagamat isinaysay at ipinakita ng PDL kung paano siya nakalabas ng kulungan

Magpapatawag naman ng panibagong hearing ng Senado ukol sa isyu pero hihintayin muna nila ang resulta ng imbestigasyon ng BOI.

Moira Encina

Please follow and like us:

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *