Microsoft, pinagmulta ng France ng 60 milyong euro kaugnay ng advertising cookies
Sinabi ng privacy watchdog ng France, na pinagmulta nito ang US tech giant na Microsoft ng 60 milyong euro ($64 million), dahil sa paglalagay ng cookies sa pag-advertise ng mga user.
Sa pinakamalaking multa na ipinataw ngayong 2022, sinabi ng National Commission for Technology and Freedoms (CNIL) na ang search engine ng Microsoft na Bing ay hindi nag-set up ng isang system na nagpapahintulot sa mga user na tanggihan ang cookies na kasing simple ng pagtanggap naman dito.
Matapos ang imbestigasyon, sinabi ng French regulator, “When users visited this site, cookies were deposited on their terminal without their consent, while these cookies were used, among others, for advertising purposes. We also observed that there was no button allowing to refuse the deposit of cookies as easily as accepting it.”
Sinabi pa ng CNIL na ang multa ay nabigyang-katwiran sa isang banda, dahil sa kinita ng kompanya mula sa kita ng advertising na hindi direktang galing sa nakolektang data sa pamamagitan ng cookies – maliliit na data files na sumusubaybay sa online browsing.
Ang kumpanya ay binigyan ng tatlong buwan upang itama ang isyu, na may potensyal na karagdagang parusa na 60,000 euros bawat araw na overdue.
Noong nakaraang taon sinabi ng CNIL na magsasagawa ito ng isang taong mga pagsusuri laban sa mga site na hindi sumusunod sa mga patakaran sa paggamit ng cookies sa web.
Ang Google at Facebook ay pinatawan ng sanction noong nakaraang taon ng CNIL, na may mga multa na 150 milyon at 60 milyong euro ayon sa pagkakabanggit para sa mga katulad na paglabag.
© Agence France-Presse