Milyong katao sa Thailand, humingi ng tulong medikal dahil sa polusyon sa hangin
Halos 2.4 na milyong katao sa Thailand ang nagpagamot sa mga ospital dahil sa suliraning pangkalusugan, na may kaugnayan sa polusyon sa hangin simula nang mag-umpisa ang taon.
Ayon sa air quality monitoring firm na IQAir, ang Bangkok at ang northern city ng Chiang Mai ay kabilang sa pinaka polluted na lungsod sa mundo.
Sinabi ni Public Health Department permanent secretary Dr Opas Karnkawinpong, na dahil sa maruming hangin kaya 2.4 na milyong katao na ang nagpagamot simula nang mag-umpisa ang 2023, kung saan 184,465 hospital admissions ang naitala nitong linggo lamang na ito.
Ayon kay Opas, respiratory problems, dermatitis, eye inflammation at sore throats ang ilan sa pinaka karaniwang medical issues.
Samantala, hinimok naman ng health officials ang publiko na gumamit ng high-quality N95 anti-pollution masks, isara ang mga bintana at pinto, bawasan ang paglabas at sa loob na lamang mag-ehersisyo.
Ayon sa isang Thai Facebook user, “Today is so smoggy. I have a sore throat and cough so much. I did a test for Covid but it’s not that. Looking at the pollution level, that could be it.”
Sinabi ng mga eksperto ang usok mula sa mga sunog sa kagubatan at ang mga magsasaka na nagsusunog ng mga pinaggapasan ng pananim, ang sanhi ng polusyon sa hangin sa ilang bahagi ng bansa.
Ang Thailand ay tahanan ng higit sa 70 milyong katao at ang mababang kalidad ng hangin ay naging mainit na isyu bago ang halalan sa bansa sa Mayo 14, kung saan ang kasalukuyang gobyerno ay inaakusahan na hindi sapat ang pagtugon sa problema.
© Agence France-Presse