Minimum wage ng mga manggagawa sa NCR, madaragdagan ng hanggang P33 — DOLE
Makatatanggap na ng karagdagang P33 sa kasalukuyan nilang arawang sahod ang mga manggagawa sa Metro Manila, makaraang aprubahan ng Regional Tripartite Wages and Productivity Board ang minimum wage hike ngayong linggo.
Ibig sabihin, magiging P570 na ang minimum wage rate at P533 naman para sa mga manggagawa sa non-agriculture at agriculture sectors.
Nitong Biyernes ay inilabas ng regional wage board sa National Capital Region (NCR), ang Wage Order No. NCR-23 na nagpapahintulot para sa wage increase.
Sa isang pahayag sa kanilang website, sinabi ng Department of Labor and Employment (DOLE), na ikinunsidera sa naturang dagdag sahod ang mataas na halaga ng basic goods, commodities at fuel products.
Ayon sa DOLE . . . “It is expected to protect around one million minimum wage earners in private establishments in the region from undue low pay,” na ang tinutukoy ay ang naging hakbang ng NCR wage board.
Samantala, sinabi ng DOLE na ang mga manggagawang naka-base sa Western Visayas ay makatatanggap din ng dagdag na P55 o P110, depende sa industriya na kanilang kinabibilangan at sa bilang ng mga empleyado sa isang kompanya, banggit ang Wage Order No. RBVI-26 na inihain ng wage board sa Region 6.
Ang minimum pay para sa mga nagtatrabaho sa isang kompanya na ang mga manggagawa ay sampu o wala pa, at yaong nasa kompanya na ang empleyado ay higit naman sa sampu ay P450 at P420, ayon sa pagkakasunod-sunod.
Paliwanag ng DOLE, layunin ng hakbang na maprotektahan ang higit 214,800 minimum wage earners sa buong rehiyon mula sa mababang pasahod.
Ayon pa sa kagawaran, ang hakbang ay ginawa ng wage board dahil sa tumataas na halaga ng mga bilihin.
Sa isa pang wage order, maaaring asahan ng domestic workers na naka-base sa rehiyon ang dagdag na P500 sa kanilang sahod, nangangahulugan na magiging P4,500 na ang kanilang monthly minimum wage rate.
Ang huling wage increase para sa mga manggagawang naka-base sa Western Visayas ay nagkabisa noon pang 2019.
Sinabi ng DOLE, na ang bagong wage orders ay isusumite para repasuhin, at magkakabisa 15 araw pagkatapos mailathala sa isang pahayagan na may pangkalahatang sirkulasyon.