Mismong mga Pilipino ang sumisira sa imahe ng Pilipinas sa International Community
Yan ang galit na pahayag ng mga senador sa panibagong insidente ng pagnanakaw at paglunok ng dolyar ng isang tauhan ng Office of Transportation Security sa isang dayuhan sa terminal one ng NAIA.
Ayon kay Senador Ronald bato dela Rosa, malala na ang nangyayari sa paliparan na para maitago ang pagnanakaw at hindi mahuli ay nilulunok na ang pera
Kailangan aniyang aksyunan ng OTS at Department of Transportation ang bagong modus na ito sa paliparan
“The Office of Transportation Security and DOTr should get to the bottom of this newly discovered modus operandi at NAIA. Malala na ito kung totoong kinakain ang pera just to avoid getting caught. we are hurting our own reputation before the International Arena if this crime is not being addressed immediately.” galit na pahayag ni Senador Dela Rosa
Sabi ni Senador Grace Poe, nakakahiya ang bagong modus na ito ng mga taga paliparan at tila hindi aniya nauubusan ng gimik ang mga kawatan
Maaari aniyang hindi buong kwento ang nakita sa CCTV pero lumilitaw na may mga kasabwat ang mga tauhan ng OTS dahil sa report na inutusang lunukin ang ninakaw na dolyares para hindi mahuli
Kailangan aniyang tuntunin ang lahat ng mga gumagawa ng kalokohan, sibakin sa pwesto, kasuhan at papanagutin sa batas
Umapila naman si Poe sa pamunuan ng OTS na salaing mabuti ang mga aplikante at i-evaluate ang kanilang performance para matiyak na hindi mga bulok ang maitatalaga sa OTS.
“Nakakagalit at nakakahiya ang pangyayaring ito. Parang hindi nauubusan ng gimik ang mga kawatan sa airport. Maaaring ang nakita sa CCTV ay hindi ang buong kwento. May mga report pa na nagsasabing inutusan ang OTS personnel na gawin ito para hindi mahuli. Ibig sabihin, may mga kasabwat pa ito.” galit din na pahayag ni Senador Grace Poe.
Meanne Corvera