Miss World Organization, umaasang makasama ang Kashmir sa mga lugar na pagdarausan ng isang buwan nilang events
Sinabi ng mga organizer ng Miss World beauty contest na pinag-iisipan nilang isagawa ang pageant sa pinagtatalunang teritoryo ng Kashmir na pinamamahalaan ng India, bilang bahagi ng isang buwang serye ng mga kaganapan ng nasabing beauty pageant.
Ang kontrol sa Muslim-majority territory ay nahahati sa pagitan ng India at Pakistan, na parehong inaangkin ito nang buo ngunit nangangasiwa sa magkahiwalay na bahagi nito, na nahahati ng Line of Control.
Sa loob ng marami nang dekada, isang insurgency group na naghahangad ng kalayaan o pakikipagsanib sa Pakistan — at mga operasyong militar na ang layunin naman ay durugin ang nasabing kilusan – ang naging sanhi na ng pagkamatay ng libu-libong mga sibilyan, sundalo at rebelde.
Ngunit ngayon ay ipino-promote ng India ang turismo sa rehiyon na tahanan ng kagila-gilalas na mountain scenery, at mahigit sa isang milyong Indian citizen ang bumisita doon noong isang taon.
Sinabi ni Miss World Organization chair Julia Morley, na ang India ang magho-host sa isang buwang serye ng events para sa taunang beauty pageant mula Nobyembre hanggang Disyembre, at umaasa siya na magiging bahagi rito ang Kashmir.
Aniya, “This is a blessed place for tourism.”
Sa kanya namang pahayag ay sinabi ni Jamil Saidi, chairman ng Indian event organisation company na PME Entertainment, na ang pagdarausan ng final contest ay hindi pa nagpagdedesisyunan.
Sinabi ni Saidi, “The venue for the finale is to be finalised and will be announced officially at a later date. The official schedule on events across India had not been decided.”
Ayon naman sa Miss World organisers, “The contest celebrates the beauty, intellect, and humanitarian efforts of women.”
Ang mga kalahok ay makikibahagi sa “talent showcases, sports challenges at charitable initiatives” para sa shortlist ng mga kalahok bago ang grand finale sa Disyembre.
Sinabi ni Miss World 2022 Karolina Bielawska na taga Poland, “I was stunned by Kashmir’s scenery. I cannot wait to welcome 140 nations, and all my friends and family, to bring them here to India and to show them places like Kashmir, like Delhi, Mumbai… you have so many beautiful places.”