Missile strike ng Iran sa Kurdish region, kinondena ng Iraq
Kinondena ng Iraq bilang isang “pag-atake sa kanilang kasarinlan” ang ginawang missile strike ng Revolutionary Guards ng Iran laban sa anti-Tehran groups at inaakusahang Israeli “spy headquarters” sa Erbil, kapitolyo ng semi-autonomous region ng Kurdistan.
Ang missile strikes ay nangyari sa gitna ng mga pangamba tungkol sa paglala ng hidwaan na kumalat na sa Gitnang Silangan simula nang mag-umpisa ang giyera sa pagitan ng Israel at Palestinian Islamist group na Hamas noong Oktubre 7, kung saan ang mga kaalyado ng Iran mula sa Lebanon, Syria, Iraq at Yemen ay nanghimasok na rin sa mga labanan.
Sa isang pahayag ay sinabi ng foreign ministry, “Iraq authorities will take all legal steps necessary, including lodging a complaint with the (UN) Security Council.”
Dagdag pa ng council, ilalathala rin nila ang findings ng isinagawang imbestigasyon sa nangyaring missile strikes, “to prove to ‘Iraqi and international public opinion the falseness of the allegations’ made by those responsible for these reprehensible actions.”
Una nang sinabi ng official IRNA news agency ng Iran, “the attacks destroyed ‘a spy headquarters’ and a ‘gathering of anti-Iranian’ terrorist groups in Erbil.”
Apat katao ang nasawi at anim na iba pa ang nasugatan sa naturang pag-atake, ayon sa Kurdistan security council ng Iraq.
Ayon sa Kurdistan Democratic Party, ang prominenteng negosyanteng si Peshraw Dizayee ay kabilang sa ilang sibilyan na namatay.
Pinatamaan din ng Islamic Revolutionary Guard Corps (IRGC) ng Iran ang ilang targets sa Syria sa pamamagitan ng ballistic missiles, na kinabibilangan ng mga lugar kung saan nagtitipon ang mga kumander at main elements na may kaugnayan sa kamakailan ay terrorist operations, partikular ang Islamic State (IS) group.
Dagdag pa nito, ang atake sa Syria ay tugon sa ginawang pag-atake kamakailan ng mga teroristang grupo na ikinasawi ng mga Iranian sa southern cities ng Kerman at Rask.
Batay sa Syrian Observatory for Human Rights war monitor, “Explosions were heard in Aleppo and its countryside, where at least 4 missiles that came from the direction of the Mediterranean Sea fell.”
Noong Enero 3, inatake ng suicide bombers ang mga taong nagkakatipon malapit sa libingan ng IRGC general na si Qasem Soleimani sa Kerman, na ikinamatay ng humigit-kumulang 90 katao. Kalaunan, ang pag-atake ay inako ng IS group.
Noong Disyembre, hindi bababa sa 11 Iranian police officers ang namatay sa pag-atake sa isang police station sa Rask. Ang responsibilidad ay inako ng jihadist group na Jaish al-Adl (Army of Justice), na nabuo noong 2012 at nasa blacklist ng Iran bilang isang “terrorist” group.