MMDA magbibigay ng libreng training para mabawasan ang mga ‘kamote rider’ sa lansangan
Personal na ininspeksyon ni Chairman Romando Artes ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) ang ginagawang Motorcycle Riding Academy sa Pasig City.
Halos 80% nang tapos ang proyekto na mismong mga tauhan ng MMDA ang gumagawa.
Tinatapos na lang ang mga classroom na yari sa container van.
“Ang room walang gastos, nanghingi tayo ng dating quarantine facility na convert as classroom,” pahayag ni Artes.
Target ng MMDA na matapos ang proyekto ngayong 3rd quarter ng taon.
Oras na matapos, bubuksan ang Academy sa lahat ng motorcycle rider na nais sumailalim sa tamang training.
Layon daw nitong mabawasan ang mga aksidente sa kalsada na kinasasangkutan ng mga motorsiklo.
“Tugon ito para maiwasan ang aksidente at magkaroon ng disiplina o mabago ang mindset. Hindi dapat magviolate ng law at maging disiplinado ka,” dagdag pa ng MMDA chief.
2-araw na tatakbo ang kurso para makumpleto ang 4 na curriculum kabilang ang reorientation, road discipline, riding skills at basic emergency response.
Ang mga makakatapos, bibigyan ng certificate na maaring magamit na advantage sa pag-aapply sa nga motorcycle hauling app.
“Lahat libre ito, lahat pwede mag-apply, we will provide motorcycle at gasolina walang babayaran,” pahayag pa ni Artes.
Maglalagay din ng clinic sa pasilidad para sa mga mangangailangan ng first aid.
Nakikipag-ugnayan na ang MMDA sa Technical Education and Skills Develoopment Authority (TESDA) para mabigyan ng accreditation ang kanilang riding academy.
Bukod sa maliliit na motorsiklo pinag-aaralan din ng MMDA ang pagbubukas ng executive motorcycle riding class para sa mga big-bike rider sa tulong ng Philippine National Police-Highway Patrol Group (PNP-HPG).
Mar Gabriel