MMDA, nanawagan sa publiko na makiisa sa ipinatutupad na Unified Curfew sa Metro Manila
Depende sa mga ordinansa ng bawat Local Government units (LGU) ang ipapataw na parusa sa mga mahuhuling lalabag sa ipinatutupad na Unified curfew hours sa Metro Manila.
Sa panayam kay Atty. Vic Trinidad, Director 3 at Chief of Metropolitan Public Safety office ng MMDA, may ipinalabas na kani-kaniyang ordinansa ang mga Sangguniang Bayan kung paano ang gagawin sa mga violators.
Ngayong araw, March 15 ang simula ng pagpapatupad ng sabay-sabay na curfew sa Metro Manila mula alas-10:00 ng gabi hanggang alas-5:00 ng umaga na tatagal hanggang sa March 31.
Gaya ng dati, may mga checkpoints na itatalaga sa mga lansangan at magpapatupad rin ng police visibility.
Dahil dito, nanawagan ang MMDA sa publiko na sumunod sa umiiral na curfew at huwag magpaka-kampante dahil nasa paligid pa rin ang banta ng Covid-19.
Atty. Vic Trinidad:
“Huwag tayong magrelax sa pagsunod sa minimum health standards. Sabi nga ng mga eksperto batay sa kanilang pag-aaral na kung gagamitin at susunod tayo sa health protocol ay hindi makakaapekto sa atin ang kumakalat na Covid-19 variants. Huwag tayong mag-panic, sumunod lang tayo sa batas at makakaligtas din tayo sa Pandemyang ito”