MMDA traffic enforcers posibleng armasan na – MMDA chair
Sinampahan na ng kaso ang isang bus driver at kasama nitong konduktor matapos makipagsuntukan sa tatlong traffic enforcer sa Quezon City, kahapon.
Kinilala ang tsuper na si Eddie Magangkong Jr. na naaktuhang nagbababa ng mga pasahero sa no loading and unloading zone sa P. Tuazon Street sa Cubao.
Nakiusap naman ang konduktor na si Kim Lester Padilla na huwag na silang tiketan dahil pawang matatanda ang kanilang ibinabang pasahero pero tinanggihan ng mga enforcer.
Dahil dito, naghamon ng away si Magangkong at isa-isang sinunggaban at pinagsasapak ang mga kawani ng MMDA.
Napuruhan naman ang traffic enforcer na si Roberto Supan na nagtamo ng mga sugat sa ulo.
Bagaman humingi ng tawad ang driver at konduktor ay itinuloy pa rin ng MMDA ang kaso.
Ayon kay Metropolitan Manila Development Authority Chairman Danilo Lim, pag-aaralan nila kung paano pa maproprotektahan ang kanilang mga enforcer laban sa mga abusadong driver.
Samantala, inihayag ni Lim na plano na nilang armasan ang kanilang mga enforcer sakaling malagay sa alanganin ang kanilang buhay sa oras ng serbisyo.
Ulat ni: Liza Flores