Mobile clinic inilunsad ng Taguig City
Naglunsad ng mobile clinic ang Taguig City sa pangunguna ni Mayor Cayetano, kasama ang USAID Phillipines, Office of Health Director Michelle Lang-Alli at ang TB Platforms Chief of Party ng USAID na si Dr. Marianne Calnan.
Una rito ay nailunsad na rin ang TB contact center.
Sa pamamagitan nito ay matutugunan ng 31 health center ng lungsod ang mga katanungan ng Taguigeños tungkol sa mga sintomas ng tuberculosis, masusuri at masusubaybayin na rin ang tamang gamutan ng mga may sakit na TB, at magkakaroon na rin sila ng access sa psychological counselling kasama ang pamilya ng paayente.
Ang pinalakas na tugon sa tuberculosis ng lungsod sa pakikipagtulungan sa programang TBID ng USAID, at programa ng DOH na National Tuberculosis Control ay makatutulong sa paghanap at paggamot sa 2.5 milyong Pilipino na may tuberculosis pagdating 2022.
Ayon sa alkalde, isa na naman itong tagumpay sa Taguig City bilang isang lokal na pamahalaan, na maging una sa National Capital Regiion sa pagkakaroon ng ganitong serbisyo para sa mga may TB.
Sa ilalim ng nabanggit na TB program, magsasagawa ng active case findings sa VistaMall Mega Vaccination Hub, kung saan ang mga babakunahan ng COVID-19 vaccines na kabilang sa priority group A1, A2, at A3 ay sasailalim sa x-ray para sa screening sa TB.
Sa ganitong paraan ay matutukoy kung sino sa mga ito ang may tuberculosis, sa gayon ay maisailalim sila sa gamutan.
Ang COVID-19 at TB, ay mga sakit na parehong “classified” bilang emergency sa kalusugan ng publiko.
Ulat ni Archie Amado.