Mock Bar exams isasagawa ng Korte Suprema sa ilang law schools sa bansa
Magsasagawa ang Korte Suprema ng dalawang mock Bar examinations sa ilang law schools sa bansa para subukin ang panukalang gawing computerized ang pagsusulit sa susunod na taon.
Sa Bar Bulletin Number 16 na may lagda ni 2020/21 Bar Examinations Chairperson at Justice Marvic Leonen, sinabi na sa mga susunod na buwan ay sisimulan nila ang serye ng mga aktibidad para pag-aralan ang posibilidad ng panukala kabilang na ang mock bar exams.
Isasagawa ang mga ito ng Korte Suprema sa pakikipagtulungan sa Philippine Association of Law Schools at sa iba pang relevant sectors.
Una nang napagkasunduan ng Korte Suprema na pag-aralan ang posibilidad na gawing computerized pero proctored ang bar exams sa halip na handwritten gaya ng mga nakagawian.
Ayon sa SC, mas bibilis ang evaluation ng mga sagot sa bar exams at mas mapapaaga ang paglalabas ng resulta nito kung gagawin itong computerized.
Samantala, magkakaroon ng tatlong examiners per subject dahil sa inaasahang pagtaas ng bilang ng bar examinees sa 2021 dahil sa kanselasyon ng pagsusulit ngayong taon.
Nakatakdang isagawa ang pagsusulit sa Nobyembre ng susunod na taon sa Maynila at Cebu City matapos ipagpaliban ngayong 2020 dahil sa pandemya.
Moira Encina