Moderna shot na ang target ay Omicron, aprubado na sa Canada
Binigyan na ng Canada ng awtorisasyon ang isang updated Moderna Covid-19 booster shot, na ang partikular na target ay ang Omicron variant na sinasabing mas makapagbibigay ng proteksiyon laban dito.
Sinabi ng Health Canada, na ang clinical trials ng bagong “bivalent vaccine” ay nag-u-udyok ng mas mataas na immune response kaysa sa nauna rito laban sa nangingibabaw na ngayong mga variant ng Omicron. (Ang bivalent ay nangangahulugan na target ng bakuna kapwa ang orihinal at bagong strains).
Nag-match din ito sa bisa ng dating Moderna vaccine laban sa orihinal na virus, at inirerekomenda bilang booster sa adults edad 18-anyos pataas.
Inaprubahan na rin ng Britanya ang bagong Moderna vaccine, habang inaprubahan naman ng United States at European Union kapwa ang bagong Moderna at Pfizer-BioNTech Omicron jabs.
Sinabi ni Canadian Chief Public Health Officer Theresa Tam, “The bivalent Moderna Spikevax vaccine ‘is anticipated to provide stronger and broader protection, including against the Omicron variants’ that have been circulating.”
Ito ang unang bivalent shot na pinayagang gamitin sa Canada. Hinihintay naman ng Pfizer-BioNTech ang approval ng sarili nilang bersiyon ng isang Omicron-targeting booster at inaasahang isusumite na ito sa lalong madaling panahon ayon sa isang public health official.
Ang Canada ay bumili na ng 12 million doses ng bagong Moderna jab, na inaasahang magiging available sa publiko sa pagtatapos ng September.
Hinimok naman ni Prime Minister Justin Trudeau ang lahat ng Canadians na lumabas at magpabakuna.
Aniya, “Covid is not done with us. As winter comes and people get pushed back indoors there is a real risk of another serious wave of Covid.”
Batay sa government data, 86 percent ng eligible Canadians o halos 31 milyong katao ang nakatanggap na ng dalawang turok ng bakuna. Ngunit nasa kalahati pa lamang sa ngayon ang nakapagpa-booster shot na.
© Agence France-Presse