MORE Power naglaan ng P5M para sa refund ng mga kwalipikadong customer
Naglaan ng P5 milyong pondo ang MORE Electric and Power Corporation para sa refund ng bill deposit ng kanilang mga eligible customers.
Ayon kay More Power President at CEO Roel Castro, ang nasabing pondo ay para sa taong ito lamang.
Kwalipikado na tumanggap ng refund ang mga customer na hindi pumapalya sa pagbabayad ng singil sa kuryente.
Kaugnay nito, pinuri ni Iloilo Rep. Jam Baronda ang inisyatibo na ito ng MORE Power at hinikayat ang iba pang Distribution Utilities (DU) na tularan ito.
Tulad ng ginawa ng MORE Power hindi na aniya dapat maghintay ang mga ito na mag-apply ng refund ang kanilang mga customer.
Ang bill deposit ang siyang paunang ibinabayad ng mga customer sa pag-a-apply ng linya ng kuryente.
Sinabi ni Baronda na may oversight power ang Kamara para silipin kung nakakasunud ang mga DU sa pagpapatupad ng bill deposit refund.
Samantala, sinabi ni Castro na pumasok sila sa isang joint venture agreement para sa pagpapalakas ng supply ng kuryente sa lalawigan ng Negros.
Nasa P4 billion ang ibubuhos na pondo para sa modernisasyon ng Central Negros Electric Cooperative, P2 billion ang ilaan sa pagbili ng asset habang ang P2 billion ay para sa capital expenditure program.
Madz Moratillo