Moscow nagbabala tungkol sa mga protesta kaugnay ng pagkamatay ni Navalny
Nagbabala ang Moscow sa publiko laban sa pagtungo sa mga lansangan upang magprotesta, ilang oras matapos mamatay ng pangunahing kritiko ng Kremlin na si Alexei Navalny.
Makikita sa social media ang mga larawan ng mga tao na naglalagay ng mga bulaklak sa memorials ng mga biktima ng political repression bilang pagpaparangal kay Navalny, na ayon sa Russian authorities ay namatay nitong Biyernes sa Arctic prison colony kung saan siya sentensiyadong makulong ng 19 na taon.
Ayon sa prosecutor’s office sa Moscow, alam nito ang mga panawagan sa online na “sumama sa isang mass rally sa gitna ng Moscow” at sinabing “kailangang magbabala laban sa paglabag sa batas.”
Ang mga protesta ay labag sa batas sa Russia sa ilalim ng mahigpit na mga batas laban sa di-pagsang-ayon, kung saan partikular na naging marahas ang mga awtoridad sa pagpigil sa mga rally bilang suporta kay Navalny.
Sa Moscow, dose-dosena ang naglagay ng pula at puting rosas sa Solovetsky Stone, isang monumento ng mga biktima ng panunupil ng Soviet era sa tapat ng punong-tanggapan ng FSB security services ng Russia, dating tahanan ng kinatatakutang Soviet secret police.
Isa katao ang idinitini dahil sa paghawak ng placard na tila may nakasulat na “murderer,” ayon sa video na ipinost ng independent Sota Telegram channel.
Nakunan din ng larawan ang ilang bilang ng mga taong nagtitipon-tipon upang maglagay ng mga bulaklak sa isang tulay katabi ng Kremlin kung saan naman napatay ang kritiko ni Putin na si Boris Nemtsov noong 2015.
Nakunan din ang mga pulis na binubuwag ang mga taong nagtitipon sa isang memorial sa central city ng Kazan sa gitna ng snow.
May mas malalaki ring demontrasyon na nangyari sa Tbilisi, Yerevan at Belgrade, tahanan ng mahahalagang populasyon ng mga Ruso na tumakas kasunod ng military offensive ng Russia sa Ukraine.