Most wanted drug lord ng Colombia, nahuli na
Nadakip na ang most wanted drug trafficker ng Colombia na si “Otoniel.”
Ayon sa mga opisyal, isa itong major victory para sa gobyerno ng bansang pangunahing cocaine exporter sa buong mundo.
Si Dairo Antonio Usuga, pinuno ng pinakamalaking narco-trafficking gang na kilala sa tawag na Gulf Clan ay nahuli malapit sa isa sa kaniyang main outpost sa Necocli, malapit sa border ng Colombia sa Panama.
Sa mga larawang inilabas ng gobyerno, makikita ang 50-anyos na si Otoniel habang nakaposas at napaliligiran ng mga sundalo.
Ayon kay Colombian President Ivan Duque . . . “This is the hardest strike to drug trafficking in our country this century. The arrest was only comparable to the fall of Pablo Escobar, the notorious Colombian narco-trafficking kingpin.”
Nasa 500 mga sundalo at 22 helicopters ang idineploy sa munisipalidad ng Necocli, para isagawa ang operasyon kung saan isang pulis ang nasawi.
Ani Duque . . . “It was the biggest penetration of the jungle ever seen in the military history of our country.”
Ayon sa pulisya, si Otoniel ay nagtatago sa kagubatan ng Uraba region na kaniyang pinagmulan, at hindi ito gumagamit ng telepono kundi umaasa lamang sa couriers para sa kaniyang komunikasyon.
Una nang nag-alok ang US ng $5 million pabuya sa makapagbibigay ng impormasyon sa ika-aaresto ni Otoniel, isa sa lubhang kinatatakutang personalidad sa Colombia.
Batay sa independent think tank na Indepaz, sa halos 300 munisipalidad sa bansa ay mayroong presensiya ng Gulf Clan.
Si Otoniel ang pumalit bilang pinuno ng Gulf Clan na dating kilala bilang Usuga clan, makaraang mapatay ng mga pulis ang kaniyang kapatid na si Juan de Dios noong 2012.
Ang malaking bahagi ng pondo ng Gulf Clan ay mula sa drug trafficking, illegal mining, at extortion. (AFP)