Mosyon ni dating Makati Mayor Elenita Binay na maipagpaliban ang pagding sa kanyang mga kaso ibinasura ng Sandiganbayan
Tinanggihan ng Sandiganbayan Third Division ang mosyon ni dating Makati Mayor Elenita Binay na ipagpaliban ang lahat ng mga scheduled hearings para sa kinakaharap niyang kasong graft at malversation.
Sa resolusyon na inilabas ng anti-graft court, sinabi nito na walang merito ang mosyon ni Binay.
Ito ay dahil wala namang sapat na dahilan para ipagpaliban ng Korte ang proceedings sa mga kasong kinakaharap ng dating alkalde ng Makati.
Nabatid na sa kanyang mosyon, hiniling ni Binay na ipagpaliban ang proceedings ng mga kasong kanyang kinakaharap hanggang sa ma-resolba ng Korte Suprema ang petition for certiorari na binabalak niyang ihain.
Ito ay para sana kuwestyunin ang mga resolusyon ng Sandiganbayan na nagbabasura sa kanyang mosyon na i-raffle muli ang kanyang mga kasong kinakaharap, at hindi pagtanggap sa kanyang hiling na i-inhibit sa kanyang mga kaso si Presiding Justice Amparo Cabotaje -Tang.
Matatandaan na naghain ng motion to defer proceedings si Ginang Binay para sa mga kasong malversation at graft na kinakaharap nito.
Ang mga kasong ito ay may kaugnayan sa maanomalyang pagbili ng lungsod ng mga hospital bed at sterilizer nang siya ay alkalde pa ng Makati.