Motibo ng paglutang ni Senior Supt. Eduardo Acierto, kwestyonable
Hindi kumbinsido ang mga Senador sa paglutang ni dating Senior Supt. Eduaro Acierto kung saan idinadawit pa ang Pangulo sa operasyon umano ng iligal na droga sa bansa.
Ayon kay Senador Panfilo “Ping” Lacson, kwestyonable ang motibo kung bakit ngayon lang inilantad ni acierto ang mga impormasyon gayong 2004 pa niya hawak ang dokumento.
Inamin ni Lacson na noong nagsasagawa ng imbestigsyon ang Blue Ribbon Committee sa mga magnetic lifters na nakitaan ng droga, lumapit na sa kanya si Acierto at inilabas ang mga umanoy drug connection ng adviser ng pangulo na si Michael Yang.
Bitbit aniya nito ang litrato ng Pangulo na hindi naman maituturing na ebidensya.
Iginiit ni Lacson na maraming butas ang alegasyon ni Acierto pero wala namang direct implications kay Michael Yang.
Iginiit naman ni Senador Richard Gordon na binigyan niya na ng oportunidad si Acierto para ilantad ang mga nalalaman nito pero nakapagtatakang ngayon lang ito nagsasalita sa publiko.
Wala rin aniya itong hawak na ebidensya na magpapatunay sa kaniyang alegasyon kaya posibleng gawa-gawa lang ito para malinis sa akusasyon laban sa kanya matapos madawit sa smuggling ng shabu.
Ulat ni Meanne Corvera