mRNA flu vaccine trial, inilunsad ng Pfizer
Sinimulan na ng US pharmaceutical company na Pfizer, ang clinical trial para subukin ang isang influenza vaccine na ginamitan ng kaparehong mRNA technology sa matagumpay na bakuna kontra COVID-19.
Sa pahayag ng kompanya, ang ideya ay para paghusayin pa ang kasalukuyang henerasyon ng flu vaccine na may bisang 40-60 percent laban sa sakit, na maaaring ikamatay ng hanggang 650,000 bawat taon.
Ayon kay Kathrin Jansen, head ng vaccine research sa Pfizer . . . “The Covid-19 pandemic allowed us to deliver on the immense scientific opportunity of mRNA. Influenza remains an area where we see a need for vaccines which could result in improved efficacy in any given season, and we believe mRNA is the ideal technology to take on this challenge.”
Ayon sa kompanya, ang unang bahagi ng pag-aaral ay lalahukan ng higit 600 Amerikanong edad 65-85.
Nais ng Pfizer na ikumpara ang safety at level ng immune response sa single, double at quadruple strain mRNA vaccine sa magkakaibang dosage levels, sa conventional, licensed quadruple strain vaccine.
Sa pangkalahatan, ang conventional seasonal flu vaccine ay ginawa sa pamamagitan ng pagpaparami sa virus sa loob ng itlog ng manok o mammalian cells, pagkatapos ay ini-inactivate ito at ipinoproseso para maging bakuna.
Ang proseso ay nahaharap sa maraming “challenges” kabilang na ang pagpo-produce ng mga bakuna na magkakaroon ng “strong response,” at makaagapay sa pagbabago-bago ng strain ng virus.
Kailangang makagawa ng predisksiyon ang mga eksperto sa “best match” para sa bakuna sa susunod na season sa loob ng 6 na buwan.
Ang mRNA (messenger ribonucleic) acid technology naman ay nangangailangan lamangn ng genetic sequence o specific part ng virus, para sa mas mabilis at mas flexible production ng bakuna.
Makikila ng ating katawan ang genetic code at magpo-produce ito ng virus-like cells na siya namang magsasanay sa immune system para maging handa sa tunay na virus.
Sa hinaharap, plano ng Pfizer na gamitin ang mRNA medicine laban sa iba pang respiratory viruses, sa cancer at sa genetic diseases.
Samantala, sinusubukan na rin ng Moderna ang mRNA flu vaccine at isa pang bakuna naman laban sa respiratory syncytial virus o RSV.